WALA LANG: Ang Unang Edisyon

Wala Lang”: Ang Panimula. Aminin natin at sa hindi, tayong mga Pilipino ay ayaw ng confrontation dahil tayo ay emotionally sensitive at insecure. Mas mabuti pang tayo’y magtiis at magkimkim ng nararamdaman kaysa magsalita. Dahil sa kapangyarihan ng evolution, ang ating mga ninuno (tulad nina Piolo Pascual, o siguro yung mga mas nauna pa) ay nakabuo ng discreet na paraan ng pagsasalita o pagtatapat ng hindi nasasaktan. Ano ang paraan na ito? Ito ay ang pagsasabi ng “wala lang” sa dulo ng bawat mahahalang kataga na ating sinasabi.

Nagsimula akong magsulat ng “Wala Lang” sa kagustuhan kong makapagkomento sa mga sulat ni Monsignor Ruben Dimaculangan sa kanyang blog na Siyanga Naman. Dahil sa aking high regard sa mga akda ni Monsi, pakiramdam ko ay walang binatbat ang aking mga komento. Dahil dito, naisip kong lagyan ng katagang “wala lang” sa bawat dulo ng aking mga komento para iparating na “Ito ay mula sa isang taong may simpleng pag-iisip, ngunit heto ako’t naglakas loob magbigay ng personal insights. Read me.”

Para ipagpatuloy ang kwento ng maikling history ng “Wala Lang”…

Isang araw nang ako ay nagising mula sa isang magandang panaginip, ay nagpasya akong magsulat ng mas seryoso (magsulat ng mas seryoso= magsulat ng mas mahaba pa sa isang pangungusap). Kaya’t heto ang unang edisyon ng “Wala Lang”. Nawa ay magustuhan ninyo ito at kapulutan din ng kaunting karunungan.



Nanny Diaries. Ang “Nanny Diaries” ay hindi istorya ng isang babae sa panahon ni Hitler tulad ni Ann Frank. Ito ay ukol sa isang fictional character na si Annie Braddock. Tinalikuran niya ang pangarap ng kanyang ina na siya ay makapagtrabaho sa isang kumpanya sa larangan ng finance. Imbis ay nagtrabaho siya bilang isang nanny sa Upper East Side, New York. Ang hindi ko malilimutang parte ng istorya ay nuong sinabi ng kanyang best friend na si Lynette ang linyang ito: ”You know the path of least resistance? Sometimes they can lead to a minefield.”

Marami sa atin ang umiiwas sa masukal at lubak-lubak na daan. Natatakot tayo kapag tayo ay nagiging vulnerable. Hindi na baling lumipas ang mga oportunidad huwag lamang madapa at masaktan. Pero ganito nga ba dapat ang ating attitude sa buhay? I think not. Gumawa tayo ng mga bagay sa abot ng ating makakaya at matuto tayong magtiwala sa plano ng Diyos. Sabi nga sa Psalms 56:11-12, “God I praise your promise; in you I trust, I do not fear. What can mere mortals do to me?

Huwag tayong maging abala sa paghahanap ng path of least resistance. Tanggapin natin ang daan na ibinibigay sa atin ng Diyos. In our obedience, we will be transformed. Ang renewal na ito ang magbibigay sa atin ng kakaibang satisfaction. Satisfaction na higit pa sa kahit anong kayamanan sa mundo. Wala lang.


Parallel Synchronized Randomness. Nabanggit sa interesanteng pelikula na pinakamagatang ‘Science of Sleep’ ang Parallel Synchronized Randomness (PSR). Ito ay nangyayari kapag ang dalawang taong hindi magkakilala ay nagkakaroon ng parehong desisyon sa parehong pagkakataon. Tulad na lamang ng nangyayari sa atin sa kalye kapag nakikipag-’cha cha’ tayo sa nakabanggaan natin sa daan.

Dalawang taong naglalakad. Nagkasalubong. Nagkabanggan.
Sabay hahakbang sa gilid. Ang isa sa kanyang kaliwa, ang isa sa kanyang kanan.
Titingin sa isa’t isa. Malalaman na magkatapat pa rin sila.
Sabay hakbang muli.
Magkatapat pa rin.
Paulit ulit. Paulit ulit.


Nakakatuwa ang PSR dahil parang ganito ang nangyayari kapag nakakakita tayo ng taong nakakagaanan natin ng loob. Dalawang estranghero ang magkakasalubong. Gumagawa ng mga desisyon sa parehong panahon, at ang mga desisyon ng isa ay katapat ng desisyon ng isa. Hanggang sa hindi na nila maiwasan ang isa’t isa.

Pero ang PSR moments ay hindi permanente. Ganun din ang pamamalagi ng mga nadiskubre nating mga taong nakakagaanan natin ng loob. Sa buhay, ang bawat tao ay makakaisip ng paraan upang sila ay makapagpatuloy na sa kanilang paglalakad at upang makarating na sila sa kanilang paroroonan. Bukod sa di ito permanente, ito rin ay madalang mangyari. Kaya’t ating namnamin ang ating “PSR moments”. Matuto tayong magpahalaga ng bawat taong nakakasalamuha natin. Atin ring pahalagahan ang panahong naibibigay sa atin na makasama ang mga taong ito. Wala lang.




Prof. Flatulence. [Wala ako noong nangyari ito, pero ito ay based on a true event.] Ang isa sa mga unforgettable stories sa akin ng mga schoolmates ko sa high school ay ang tungkol sa aming guro na biglang umutot habang nagtuturo. Matapos niyang pakawalan ang isang nakakamatay na gas mula sa kanyang sistema, siya ay lumingon sa klase at biglang sinabi, “I’m okay. I’m okay.”

Tawa ako ng tawa kapag naiisip ko ito. Pero ang istoryang ito ay may dalawang moral lessons. Una, kapag tayo ay nakaperwisyo o nakasakit sa iba, ang tamang sasabihin ay, “I’m sorry” (Okay when one farts, we all know that “excuse me” is not enough). Pangalawa, kapag tayo ay nakaperwisyo o nakasakit, hindi dapat mauuna ang ating sarili. Matuto tayong mag-isip para sa iba at magsabi ng, “Are you okay? Are you okay?”


Wala lang.



Solitaire. Isang gabi ay naisip kong maglaro ng solitaire sa aking pocket PC. Bago ako nakapagsimula ay naalala ko ang aking yumaong lola na mahilig maglaro nito. Tuwing siya ay maglalaro ay tahimik muna siyang mag-iisip ng isang wish. Kapag nakakabuo siya ng isang laro sa solitaire, ang ibig sabihin nito ay maaring magkatotoo ang wish. Nuong gabing ako’y naglaro, hindi ako nag-isip ng wish bago maglaro. Bagkus ay nag-isip ako ng tanong. Ang sistema ay ganito: kapag ako’y nakabuo, ibig sabihin nito ay YES at kapag natalo, ibig sabihin naman ay NO.
Ang mga tanong na tulad ng: “Papasa ba ako sa board exam?” at “Mahal ba ako ni [censored]?“ ang naglaro sa aking isipan. Talo. Lahat talo. At dahil dito, dumami ng dumami ang aking tanong… umaasang mananalo rin ako. Pero talo talaga.

Minsan, marahil dahil sa uncertainty ng buhay ay may mga nagagawa tayong bagay na hindi gagawin ng isang matinong tao. Kalokohan ang aking ginawa. Hindi dapat nakasalalay ang YES at NO ng buhay sa larong solitaire. Bago ko binitawan ang pocket PC, naisip kong matanong ng isa na lamang na katanungan. “Pampalubag loob,” sabi ko sa sarili. Nanalo rin ako. Sa wakas, YES ang naging sagot.

Syanga pala, yung huli kong katanungan ay ito: “Mahal ba ako ni Lord?

Wala lang.

1 comments:

Anonymous said...

"Sa buhay, ang bawat tao ay makakaisip ng paraan upang sila ay makapagpatuloy na sa kanilang paglalakad at upang makarating na sila sa kanilang paroroonan."

Medyo naniniwala ako sa pangungusap na ito... at medyo rin hindi. "Hindi" dahil marami akong kilala na hindi talaga alam kung paano magpapatuloy sa kanilang "paglalakad" at hindi rin alam kung saan sila patutungo. Naniniwala naman dahil sa dinami-dami ng mga karanasan ko na sa aking palagay ay may bahid ng pagiging PSR, eh nakakapagpatuloy naman ako at hindi nasa-"stuck".

http://www.emailcashpro.com

Recent Comments